Natutulog sa Pansitan: Ang Nahuhuli at Walang Pangmatagalang Tugon sa Krisis sa Langis

Ito ang presyo ng langis kung saan bumibili ang kaibigan ko na tsuper ng jeep, sa araw na sinullat ko ang blog na ito. Gaya ng aking kaibigan, lumong lumo lahat ng transport workers ngayon. (This is an AI-generated image)

 

Mukhang natutulog tayo sa pansitan. Imbes na kumilos, ay mukhang nag hihintay lang kung anong mangyari.

Para tayong barkong nawalan ng timon at palutang lutang lang sa dagat habang may unos. Kitang kita kung gaano tayo ka walang handa.

Sa totoo lang, talaga namang mahirap ang kasalukuyang krisis. Sabi nga ni dating Secretary of Finance Carlos Dominguez, mas mahirap solusyunan ang krisis sa langis kaysa sa COVID-19.  Ika nya: “Pwede mong ikulong ang virus, pero hindi mo pwedeng ikulong ang presyo ng langis sa daigdigang pamilihan.”

Pero batay sa kasalukuyang ginagawa ng gobyerno, parang tingin nila saglit lang ang problema, at hindi ito malalim na krisis.

Ang Tugon na Walang Plano

Ayon sa balita, pang-45 na araw lang ang reserba nating gasolina at krudo. Dahil halos lahat ng langis natin ay galing sa Middle East, napaka-delikado ang 45 araw na reserba—parang nagpabaya na ang mga opisyal.

Matagal nang may gulo sa Middle East. Matagal nang alam natin na pag magkaputokan (sa Middle East) ay magkakaroon ng krisis sa suplay at presyo ng langis. Kaya dapat sana ay inuna na ng mga opisyal natin ang maghanap nang sapat na reserba. At ganon na nga. Nagmamadali lang tayong kumuha ng suplay nung nasa gitna na ng krisis.

Ang pinaka unang ginawa ng gobyerno—ang pagdeklara ng pambansang energy emergency—magandang pakinggan, pero parang huli na. Sabi pa ng mga ilang mambabatas, walang “unified and coordinated response” ang gobyerno.

Kuláng na Aksyon Kumpara sa Ibang Bansa

Nakakainis dahil ang ibang bansa ay hindi lang naghihintay; ginagawaan nila ng paraan ang supply at demand. Nagpapatupad sila ng mga matitinding conservation strategies, tulad ng mandatory work from home, pagbabawas ng di importanteng biyahe, at fuel rationing.

Samantala, ang mga hakbang ng Pilipinas—tulad ng four-day workweek sa gobyerno o maliliit na tips para magtipid sa kuryente—ay parang wala lang.

Nagulo pa ang isip ng tao dahil pabago-bago ang sinasabi ng mga opisyal. Una, sinabi nilang “tumaas lang ang presyo”, pero kinabukasan, biglang nagdeklara na ng full-blown energy emergency. Ibig sabihin, kulang na kulang ang usapan at pagkakaisa nila.

May mga ginagawa naman, tulad ng paglabas ng P20 bilyong pondo para sa langis at pagbigay ng ayuda at libreng sakay para gumaan ang buhay ng mga biyahero. Pero ang mga ito ay nag deal lang sa mga symptoms at hindi sa ugat ng problema.

Ang Tunay na Problema: Walang Matagalang Plano sa Enerhiya

Ang pinakaugat ng problema ay wala tayong matagalang plano sa enerhiya na babagay sa kahinaan natin. Halos lahat, inaangkat natin. Limitado ang reserba natin. Walang seryosong puhunan sa ibang mapagkukunan ng enerhiya. Kaya kapag may gulo sa mundo, ang resulta ay ito: nagmamadali, nakikipag-usap, at umaasa na lang tayo na aayos ang krisis bago maubos ang langis natin.

Hindi sapat ang ginagawang tugon ngayon. Hindi sa walang ginagawa, pero parang huli, hiwa-hiwalay, at pabigla-bigla ang lahat ng kilos. Ang krisis sa langis na ito ay hindi lang sumusukat sa sektor ng enerhiya; ipinapakita nito ang malalim na problema sa pamamahala, pagpaplano, at pagtingin sa hinaharap.

Ang maganda lang sa krisis na ito, sana maging wake-up call ang krisis na ito.

Pero ang tanong: gigising ba talaga ang bansa at gagawa ng matalinong plano, o pipindutin lang ulit ang snooze button?

 

Email: wednesdayswithnic.com   X:@nicgoesonline