Sana sa 2026, ang Ating mga Pangarap ay Magkatotoo na

Pagkatapos ng ingay at kainan sa Media Noche, maganda sigurong huminto muna tayo. Pag-isipan natin ang nangyari noong nakaraang taon at kung ano ang gusto nating mangyari sa 2026. Ang pag-iisip na ito ay mahalaga para maintindihan natin kung bakit natin ginagawa ang ating mga ginagawa. Ngayong Bagong Taon, mas malinaw, mas mabigat, at mas seryoso ang mga hiling ko.

Mahabang oras  ang  inubos ko noong nakaraang taon sa mga social media posts tungkol sa mga bagay na nagpainit ng ulo ko, nagpabalisa, at kung minsan, nagpapuyat sa akin. Nag po-post ako dahil pakiramdam ko, mali ang manahimik.

Ginawa ko ito  para sa mga susunod na henerasyon—para mamuhay sila sa bansang pinahahalagahan ang pananagutan, tunay na serbisyo publiko, at hindi tinatanggap na normal lang ang palpak na serbisyo publiko o ang korapsyon. Dapat tayong umasa. Kung maging kampante at manahimik lang tayo, para na rin tayong namatay.

Kaya ang una kong hiling para sa 2026 ay simple lang pero napakalaki: tunay na pananagutan.

Hiling ko na ang mga may kasalanan sa problema ng baha at flood control ay managot na talaga. Kasama rito ang parusa para sa mga nasayang na pondo, sa mga proyektong hindi natapos, at sa mga buhay na naabala. Hindi lang puro hearing o pahayag. Kailangang may parusa! Dapat itong maging paalala sa bawat Pilipino na ang pera ng bayan ay hindi personal na bulsa ng kung sino, at may malaking bayad ang kapabayaan at kawalang-ingat.

Para sa mga pamilyang Pilipino, hiling ko ang kaligtasan at kapanatagan—hindi lang sa loob ng bahay natin, kundi pati na rin sa labas. Pero ang kaligtasan ay hindi lang dahil sa matibay na bakod. Kailangan ng matatag at may prinsipyo na pundasyon ang buong bansa.

Hiling ko na ang ating mga komunidad ay hindi na kailangang maghanda sa sakuna sa tuwing uulan, at may mga pinuno tayong nagpaplano nang higit pa sa susunod na eleksyon.

Para sa mga Pilipino, hiling ko na mabawasan ang pagdududa at dumami ang tapang. Naiintindihan ko ang pagod—nararamdaman ko rin. Pero nakita ko rin nitong nakaraang taon na marami pa ring Pilipino ang nagmamalasakit, nagsasalita, at hindi umiiwas sa problema. Ang hiling ko ay huwag tayong tumigil, kahit pa mabagal ang pag-usad.

Para sa akin, hiling ko ang linaw—na magpatuloy sa pagsusulat nang tapat, kahit mahirap; manatiling patas, kahit galit; at huwag kalimutang sa likod ng bawat pagkakamali sa pamamahala ay may pamilyang nagpapatuloy lang sa buhay.

Sa lahat ng nagbasa, nag-share, nagtanong, o tahimik na sumuporta sa blog na ito: Salamat. Pinaalala niyo sa akin na ang espasyong ito ay hindi lang akin—atin ito. Isang lugar kung saan pwedeng magsama ang pag-iisip, pagpuna, at pag-asa.

Sana sa 2026, makita na natin ang katuparan ng ating mga pag-asa.